Sa kasalukuyang sobrang init ng panahon, handa ba tayo para sa alaga nating mga manok?
Sa mga buwang masidhi ang init ng araw (Marso, Abril, Mayo), ang mga hayop lalo na ang mga broilers at layers ay hindi mapakali. Nariyan ang hindi nila pagkain at madalas ay inom lang ng inom. Humihingal sila upang ilabas ang init sa kanilang katawan. Dahil din sa madalas na pag-inom, madalas din silang umiipot upang makaginhawa ng pakiramdam at bumaba ang temperatura ng katawan. Sa paghina ng pagkain kinukulang ang sustansya sa paglaki. Sa madalas na pag-ipot at paghingal, nababawasan ng malaki ang timbang ng broilers. Nababawasan rin sa mga layers ang sustansya sa katawan dahil sa kakaunting pagkain nila at pati na ang pangingitlog ay bumababa rin.
NGAYON, ANO ANG DAPAT GAWIN?
Heto ang mga sumusunod na paraan upang matulungan ang mga hayop sa kainitan ng panahon at tuloy-tuloy pa rin ang paglaki at pangingitlog at hindi rin magkaroon ng sakit tungo minsan sa pagkamatay.
ANG MGA ITO AY PARA SA OPEN-TYPE NA KABAHAYAN:
Una — Kailangan ang maayos na ventilation ng kabahayan upang makaikot ang hangin at makalabas ang init. Makatutulong rin ang mataas na bubong at insulation sa mga kisame ng kabahayan.
Pangalawa — Bawasan o alisin ang pagkain sa mga oras na sobrang init ng panahon para hindi tumaas ang pag-init sa katawan ng hayop kapag marami ang nakain. Ipagpatuloy ang bigay ng pagkain kapag wala na ang masidhing init ng panahon at palubog na ang sikat ng araw.
Pangatlo — Bigyan ng tubig na mas malamig sa temperatura ng katawan ng hayop (mababa sa 41°C) upang lumamig ang kanilang katawan at maibalik ang tubig na nawala sa pag-hingal at pag-ipot.
Pang-apat — Haluan ang painuming tubig ng mga electrolyte supplements para magkaroon ng “acid-base balance” at upang maragdagan ang pag-inom at ‘di matuyuan ang katawan at tuloy ang paglaki.
Pang-lima — Bawasan ang level ng protina sa pagkain pero taasan ang essential amino acid–balance para makataas ang timbang ng hayop at maging kaunti ang namamatay.
Pang-anim — Maghalo sa tubig ng appetizers upang maging magana ang pagkain ng hayop mula sa pagbaba ng temperatura sa kabahayan.
Ang mga payong ito ay nakalap ng Greenline sa mga nailimbag na pahayag ng mga eksperto ng mga nagbebenta ng mga kiti at paitlogin at yung mga nagsasaliksik sa mga unibersidad sa iba’t-ibang bansa. Kasama na rin dito ang mga ekspertong pahayag mula sa mga nagbebenta ng supplement sa tubig at pagkain.
Kung nais ninyong makakuha pa ng dagdag na kaalaman, ipaalam lamang sa amin at kaagad ninyong matatanggap ang impormasyon.


