SA MAINIT NA PANAHON KAHALO ANG PAG-UULAN, HANDA NA BA TAYO SA ATING MGA ALAGANG HAYOP?

Sa  darating na  tag-ulan at masidhi pa rin ang init, handa ba tayo sa pagproteksyon  sa ating mga broilers at layers.

Sa pagpasok ng buwan ng Hunyo hanggang buwan ng Oktubre, mainit pa rin ang panahon at nag-uulan na. Kadalasan may dumarating na malalakas na bagyo. Sa ganitong panahon mataas na ang temperatura tuwing umaaraw at kapag umuulan ay tumataas ang umido o tubig ng hangin sa paligid kaya mahirap huminga ang tao at kahit na ang mga hayop. Hindi rin mapakali ang mga hayop kaya madalas ay bumubuka ang kanilang mga pakpak at humihingal upang guminhawa ang pakiramdam. Humihina rin ang kanilang pagkain at inom na lang ng inom. Sa madalas nilang paghingal at pag-ipot, nababawasan ang timbang ng kanilang katawan at humihina ang kanilang resistensya sa pagkakasakit.

Sa paghingal ng mga hayop dumarami ang nawawalang acido ng katawan kaya nangangailangan ng pambalanse kuha mula sa mga “Alkali” tulad ng bicarbonates. Ang katawan ay nangangailangan ng tubig na may electrolytes upang mabalanse ang kondition sa loob ng katawan. Ang mga importanteng electrolytes ay yaong Sodium, Potassium, Chloride at Bicarbonates.

Kapag mataas ang temperatura ng bahay at masyadong basa at mabigat ang hangin, bumibilis lalo ang paghingal ng manok subalit hirap pa ring lumabas ang init kapag tumaas masyado ang init ng katawan at tuluyang aatakehin ang kanilang puso at mamatay. Mas nangyayari ito sa mga broilers na malapit ng i-harvest o ibenta.

Ano ang ating magagawa upang matulungan ang mga hayop sa ganitong kalagayan?

Ang mga sumusunod ay mga nakalap nating suhestyon sa mga nag-aalaga at nangangasiwa ng manukan, broilers o layers.

Una: Kailangan maging mabilis na maitaboy ang mainit at basang hangin palabas ng kabahayan sa pamamagitan ng exhaust fan.

Pangalawa: Ang kabahayan kung maari ay mataas ang kisame at napapaligiran ng mayayabong na punongkahoy upang masilungan ang kabahayan sa init  ng araw at magbigay ng malamig na hangin.

Pangatlo: Palagiing malamig ang inuming tubig sa pamamagitan ng nakabaong tubo sa ilalim ng lupa o palaging pagpadaloy sa umiinit na tubig palabas ng tubo.

Pangapat: Huwag pakainin ang mga hayop dalawang oras bago dumating ang mainit na araw (mga alas 10 ng umaga hanggang alas 4 ng hapon.

Panglima: Maghalo ng suplemento sa tubig tulad ng electolyte para maibalik ang nababawasang electrolytes sa katawan at magbigay din ng pampagana nang  pagkain sa pagdating ng hapon na palamig na ang kapaligiran.

Panganim: Bawasan ang level ng protina ng pagkain pero itaas ang enerhiya mula sa taba o langis mula sa niyog, soya o mais, etc. Magbigay din ng  vitamina at mineral tulad ng Vitamin E+Selenium at B Complex.

Kapag may gusto pa kayong malaman ukol sa mga kaparaanan upang matulungan ang inyong mga alagang hayop, ipaalam lamang sa Greenline at malugod naming ipapadala sa inyo ang kasagutan.